Injured | Killed |
---|---|
0 | 2 |
Date: 10 June 2013
Source: Bombo Radyo
ZAMBOANGA CITY – Kalunos-Lunos ang sinapit ng mag-asawang lolo at lola makaraang sunugin kasama ang kanilang bahay sa may Purok 7, Barangay Muyo sa munisipyo ng Buug lalawigan ng Zamboanga Sibugay.
Sa ulat na nakuha ng Bombo Radyo Zamboanga mula sa Buug municipal police station, kinilala ang mga sunog na bangkay nina Domaya Laing, 75, at ang misis nitong 80-anyos na si Marcelina Laing.
Napag-alaman na bandang alas-8:00 na ng umaga kaninang nang makita ng isang residente ang tupok na bahay ng mag-asawa.
Dito na rin nadiskubre ang kanilang sunog na katawan.
Base sa mga testimonya ng mga residente sa lugar, hatinggabi pa nang mapansin nila ang makapal na usok na nanggagaling sa naturang lugar pero hindi nila ito pinansin sa pag-aakalang isa lamang itong simpleng sunog.
Pagnanakaw ang isa sa nakikitang motibo ngayon ng otoridad sa insidente kung saan posible umanong sinunog ng buhay o pinatay muna ang mag-asawa bago sinunog kasama ang kanilang bahay.
Sa ngayon ay blangko pa ang mga otoridad sa pagkakakilanlan ng mga salarin na responsable sa naturang karumal-dumal na pagpatay sa dalawang matanda. (MRDS)