Injured | Killed |
---|---|
0 | 0 |
Date: 10 July 2013
Source: Pilipino Star Ngayon
MANILA, Philippines – Nagwakas ang pamamayagpag ng isang lalaki at isang babae na responsable sa panghoholdap sa mga taxi driver sa pamamagitan ng modus na magkunwaring mag-asawa matapos na madakip ng mga awtoridad sa lungsod Quezon, ayon sa pulisya kahapon.
Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) director Police Chief Supt. Richard Albano ang mga suspect na sina Noel Natividad, 27; at Mary Jane Espinosa, 23, ng Brgy. E. Rodriguez, Cubao.
Ayon kay Albano, ang mga suspect ay matagal nang tinutugis ng kanilang tanggapan base sa reklamo ng mga taxi driver na sinasakyan nila at saka hoholdapin.
“Actually magaling ang modus nilang dalawa (suspect) kasi, kunwari maghihintay ng taxi sa labas ng isang hotel. At dahil akala ay mag-asawa at galing lang sa hotel isasakay sila ng walang alinlangan, yun pala mga holdaper sila, “ sabi ni Albano.
Pangunahin umanong ginagawa ng mga suspect ang operasyon alas- 11 ng gabi hanggang ala- 1 ng madaling araw upang hindi mahalata sa kanilang operasyon.
Nadakip ang suspect makaraang mag reklamo ang isang biktima nitong si Zaldy Perez, 43, hingil sa panghoholdap sa kanya ng dalawa at tinangay ang kanyang kinita na halagang P3,000.
Sa pagsisiyasat, ang dalawa ay sumakay sa taxi ni Perez na tatak Sampaloc Transit Inc. (UWA-663) sa may Cubao, ganap na alas- 11:30 Linggo ng gabi at nagpahatid sa Cogeo sa Antipolo City.
Pero dahil hindi mahanap ang lokasyon binanggit ng suspect sa driver na si Perez, pinabalik na lamang ng mga suspect ang una sa Cubao kung saan nagdeklara ang mga ito ng holdap gamit ang isang baril.
Nang makapagsumbong si Perez kay Montejo, agad na inalarma ang kanyang mga tauhan. Hanggang kamakalawa ng alas 11:50 ng gabi sa tulong ng mga nagpapatrulyang barangay tanod ay naispatan ang mga suspect sa may kahabaan ng Aurora Blvd., habang naghihintay ng isusunod nilang biktima at doon sila inaresto.
Nakumpiska sa dalawa ang isang kalibre 22 na baril na may anim na bala at isang bayoneta na ginagamit nila sa kanilang iligal na operasyon.