Injured | Killed |
---|---|
0 | 1 |
Date: 08 August 2013
Source: Pilipino Star Ngayon
MANILA, Philippines – Patay ang isang 35-anyos na babae, makaraang pagsasaksakin ng kanyang stepson na umano’y drug addict sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.
Kinilala ang nasawing biktima na si Arlene Serrano, na nagtamo ng mga tama ng saksak sa iba’t ibang parte ng kanyang katawan.
Ayon kay SPO2 Cristituto Zaldarriaga, may-hawak ng kaso, pinaghahanap na nila ang suspect na anak-anakan nito na si Mark June delos Santos, na mabilis na tumakas makaraan ang krimen.
Nangyari ang insidente sa bahay ng biktima na matatagpuan sa Sampaguita St., Brgy. Central sa lungsod, ganap na alas-5:30 ng hapon.
Bago ang insidente, nagkukuwentuhan umano ang biktima at sina Richard Cadabes, Jocelyn Robas at Alvin Muhi sa loob ng naturang bahay habang natutulog naman ang asawa ng una sa kuwarto nang biglang dumating ang suspect.
Bigla umanong inatake ng saksak ng suspect ang madrasta sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Sa takot naman ng tatlo na sila ang isunod na saksakin, mabilis silang tumakbo papalabas at nagtago sa bahay ng isang kapitbahay.
Nang makita ng suspect na bumuwal sa sahig ang duguang biktima ay agad itong tumakas.
Sabi ni Zaldarriaga, sa kasalukuyan, wala pa siyang nakikitang motibo ng suspect sa pananaksak sa biktima, maliban sa napag-alaman mula sa kapitbahay ng pamilya na ang suspect ay isang drug addict at pinapalagay na sabog sa droga nang isagawa ang krimen.
Patuloy ang follow-up investigation ng awtoridad sa nasabing insidente.