Injured | Killed |
---|---|
1 | 1 |
Date: 06 June 2013
Source: Pilipino Star Ngayon
MANILA, Philippines – Patay ang isang opisyal ng Land Registration Authority (LRA) habang sugatan naman ang driver nito matapos na pagbabarilin ng apat na mga armadong kalalakihan sa naganap na ambush sa Tagaytay City nitong Martes ng hapon.
Sa ulat ni CALABARZON Police Director P/Chief Supt. Benito Estipona, kinilala ang nasawing biktima na si Atty. Reynaldo Aquino, dead-on-the-spot sa insidente sa tinamong mga tama ng bala ng cal. 45 pistol sa katawan. Si Aquino ay nagsisilbi bilang Register of Deeds sa Lipa City, Batangas.
Patuloy namang nilalapatan ng lunas sa pagamutan ang driver nitong si Edgar Sapuan.
Sa imbestigasyon, sinabi ni Estipona na naitala ang pananambang kina Aquino sa kahabaan ng General Emilio Aguinaldo highway malapit sa Magallanes Square ng lungsod bandang alas-4:20 ng hapon.
Kasalukuyang bumabagtas sa lugar ang pickup na sinasakyan nina Aquino nang sundan at pagbabarilin ng apat na mga armadong kalalakihan na magkakaangkas sa motorsiklo pagsapit sa lugar.
Matapos pagbabarilin ang target na si Aquino ay mabilis na nagsitakas ang mga suspek.
Sa follow-up operations sinabi ni Estipona na apat na suspek ang kanilang naaresto kaugnay ng kasong ito na kinilala nitong sina Julius Mateo, Erwin Villeza, Mark Anthony Villanueva at Jun Villamor.
Kasalukuyan namang iniimbestigahan kung may kinalaman sa trabaho ni Aquino sa LRA ang madugong pananambang.