Lasing na pulis nakipag-away sa mag-ina, kinasuhan na dahil sa gun ban

Injured Killed
0 0

Date: 05 March 2013
Source: Bombo Radyo

LAOAG CITY – Sinampahan na ng kasong grave threat at paglabag sa Comelec gun ban sa pamamagitan ng inquest proceedings sa Provincial Prosecutor’s Office ang pulis na nakipag-away sa mag-ina habang lasing.

Ito’y matapos ipursige ng mag-inang Dancel Bayan at Conrada Bayan ang pagsampa ng kaso laban kay PO2 Meynard Valerio, 32, may asawa, residente ng Barangay 13, San Nicolas ngunit nakadestino sa PNP Currimao.

Nauna rito ay nakipag-away ang pulis sa mag-ina at nakipagsuntukan sa nakababatang Bayan hanggang sa magtulungan ang mag-ina na agawin ang sukbit na baril ni Valerio kung saan nagtagumpay naman silang makuha ang kalibre .22 na baril nito.

Ikinatuwiran ng pulis na gusto lamang niyang umawat sa away ng mag-ina ngunit sinabi ni C/Insp. Leland Benigno, chief of police ng PNP San Nicolas, na kung gusto sana ni Valerio na ipatupad ang kanyang tungkulin bilang pulis ay nakauniporme sana ito.

Sinabi naman ni S/Insp. Don Acacio, chief of police ng PNP Currimao, na naka-off duty si Valerio nang mapaaway sa mag-inang sibilyan sa San Nicolas.

Nalungkot naman ang Police Community Relations Office sa PNP Provincial Office matapos malaman ang ginawa ni Valerio.

Si Valerio ang kauna-unahang pulis sa Ilocos Norte na kinasuhan dahil sa paglabag ng Comelec gun ban.