Injured | Killed |
---|---|
170 | 0 |
Date: 30 September 2013
Source: Bombo Radyo
ZAMBOANGA CITY – Muling nagpatuloy ang palitan ng putok kagabi hanggang kaninang umaga ng tropa ng pamahalaan at Misuari faction ng MNLF sa mga lugar kung saan sumiklab ang matinding bakbakan kahapon ng hapon.
Una rito, bandang alas-2:00 ng hapon kahapon nang unang sumiklab ang matinding bakbakan sa may Barangay Talon-Talon malapit na rin sa boundary ng Barangay Sta. Catalina kung saan maraming mga residnete ang nagsilikas dahil sa mga ligaw na bala na tumama sa kanilang mga bahay.
Isang 40mm mortar ang sumabog sa bakod ng isang residential house sa Villa Sta. Maria sa Barangay Tetuan pasado alas-7:00 ng kagabi.
Maswerteng hindi ito sentrong nahulog sa nasabing bahay at wala ring nasugatan sa insidente.
Nanggaling umano ang nasabing mortar sa grupo ng MNLF na simula pa man noong unang araw ng kanilang pag-atake sa lungsod ay gumagamit na sila ng mga mortar.
Isa ring malaking sunog ang sumiklab kagabi sa may Barangay Rio Hondo na ilang oras na nilamon ng apoy ang ilang pang natitirang kabahayan at istraktura sa lugar.
Nakuha rin ng mga tropa ang dalawang magkamag-anak na hostage na naiwan ng armadong grupo matapos maipit sa labanan sa Lustre Drive, Barangay Sta. Barbara.
Kinilala ang mga ito na sina Vicente Climaco, 70, at si Elizabeth Vanister, 43.
Labis naman ang kasiyahan ng kanilang pamilya at mga kaanak na matagal na ring umaasa na makukuha silang buhay mula sa kamay ng MNLF.
Sa kasalukuyan, base sa tala ng hostage processing unit ng Crisis Management Committee, nasa kabuuang 172 na ang mga hostages na nakuha mula sa mga rebelde.
Ayon sa report ng militar, ilang miyembro ng MNLF fighters ang napatay sa engkwentro simula pa kahapon pero nakuha ng kanilang mga kasamahan ang mga cadaver.
Naiwan ng mga rebelde sa isang sulok ng kanilang pinagkukutaan ang isang M14 rifle, caliber .45 pistol at molotov bomb.
Kasama rin sa mga nakuha ng otoridad ang mga drug paraphernalia.
Una rito, lumutang sa report ng militar na lumalabas na positibo sa paggamit ng shabu ang ilan sa mga miyembro ng MNLF na nasa kamay na ngayon ng mga otoridad. (MRDS)