Injured | Killed |
---|---|
1 | 0 |
Date: 21 July 2013
Source: Bombo Radyo
SAN FERNANDO CITY, La Union – Hindi na nakapalag ang isang magnanakaw na nanloob sa isang sari-sari store na pag-aari ng kapatid ng anchorman ng Bombo Radyo La Union matapos itong mahuli ng mga residente sa Barangay Bacuit Sur sa bayan ng Bauang, La Union.
Nakilala ang suspek na si Julius Federico, 42, residente ng Barangay Poro sa lungsod sa San Fernando sa lalawigan.
Ayon kay Bombo Dan Ray Gapuz, napadaan lamang ito sa pwesto ng kanyang kapatid na si Michelle Gapuz-Ong kasama ang katrabaho sa himpilan na sina Mario Anciado at Ofelia Flora nang madatnan nito ang suspek sa loob ng tindahan na bitbit ang kanilang modem.
Papakawalan na sana ni Gapuz ang suspek matapos siyang humingi ng paumanhin ngunit bigla na lang itong tumakbo nang magsumbong si Michelle na nawala umano ang kanyang kinita ng ilang araw na umaabot ng P20,000 at cellphone.
Dahil dito, hinabol ng anchorman ang magnanakaw at maging ang kasamahan nito sa trabaho ay nakipaghabulan din.
Sa tulong na rin ng mga tanod at residente doon ay nahuli ang suspek dahil sa sobrang pagod sa pagtakbo kasunod ang pagkakarekober na ng mga ninakaw na halaga at cellphone.
Mabuti na lang sabi ni Gapuz na dumating agad ang mga otoridad upang awatin ang mga galit na residente na gustong bugbugin ang magnanakaw.
Sa pagpapaliwag umano ng suspek, nagawa niya ang magnakaw dahil wala itong pangbayad ng kanyang kinakasamang babae sa isang hotel.
Sa ngayon, inihahanda na rin ng pulisya ang kaso laban sa suspek.