Injured | Killed |
---|---|
0 | 1 |
Date: 26 May 2013
Source: Bombo Radyo
TUGUEGARAO CITY, Cagayan – Isinugod sa pagamutan ang isang matandang babae matapos itong mabaril ng sarili niyang anak sa bayan ng Aparri, Cagayan.
Kinilala ang suspek sa pangalang Richard Opina, 38, habang ang biktima na sarili niyang nanay ay si Aneceta Opina, 65, kapwa residente sa Brgy. Bangag sa nabanggit na bayan.
Ayon sa PNP Aparri, bago nito nabaril ang ina ay hinamon niya ang kaniyang mga kapitbahay gamit ang kaniyang baril at saka nagtungo ito sa national highway kung saan pinahihinto nito ang ilang mga jeep na dumadaan.
Dahil dito ay pinigilan siya ng kanyang ina at pilit inagaw ang baril subalit nairita ang lalake at saka binaril ang ina na tinamaan sa tyan.
Matapos mabaril ang ina ay pinahinto naman nito ang isang elf truck na minamaneho ni Rodel Unciano na taga Abulug, Cagayan subalit hindi niya ito nakuha matapos tumakbo ang driver dahil sa takot.
Dahil dito ay pwersahan nitong kinuha ang sasakyan ng isang lalake na naroon sa lugar at iyon ang ginamit niya sa kaniyang pagtakas.
Narekober sa pinangyarihan ng insidente ang basyo ng .38 caliber at motorsiklo na pagmamay-ari ng suspek.
Napag-alaman naman na lango sa alak ang lalake ng mangyari ang insidente.