Injured | Killed |
---|---|
0 | 0 |
Date: 24 June 2013
Source: Bombo Radyo
KORONADAL CITY – Malaya na ngayon mula sa kamay ng kanyang mga abductors ang 32-anyos na lalaki mula sa lungsod ng General Santos matapos na pakawalan ito kagabi sa harapan ng Saint Anthony Parish sa lungsod ng Koronadal.
Kinilala ang biktima na si Renato Asumbrado na residente ng Fatima, General Santos City.
Sa naging salaysay ng biktima na si Asumbrado, noong Mayo 24 pa umano siya hawak ng hindi niya nakilalang mga abductors at kagabi lamang pinakawalan sa harapan ng simbahan pasado alas-7:00 kung saan inutusan pa siya na humingi ng tulong sa mga pari.
Kung babalikan umano ni Asumbrado ang nangyari sa kanya, noong Mayo 24 habang siya ay naglalakad sa daan nang sinabayan ng motorsiklo na may sakay na dalawang naka-bonnet na lalaki at siya’y dinala hanggang sa MSU-Tambler.
Ayon kay Asumbrado, nilagyan umano siya ng blindfold ng mga suspek at isinakay sa sasakyan mula Tambler patungo sa hindi niya alam na lugar kung saan umabot sa mahigit dalawang oras ang kanilang biyahe.
Ibinaba umano siya at muling isinakay sa motorsiklo na idinaan sa rough road hanggang sa lugar kung saan siya itinago ng mahigit isang buwan.
Kahapon umano, nilagyan muli siya ng blindfold at isinakay sa motorsiklo hanggang inilipat sa sasakyan hanggang dumating sa lungsod ng Koronadal.
Agad namang ipinaalam ng St Anthony Parish kay Mayor Peter Miguel ang pangyayari at itinurn-over ito sa Koronadal City PNP.
Ngayong umaga, inihatid sa lungsod ng General Santos ang biktima.
Inaalam pa ngayon ng mga otoridad kung may ibinigay na ransom kapalit ng kalayaan ng biktima.