Karnaper sumalakay

Injured Killed
0 0

Date: 13 April 2013
Source: Pilipino Star Ngayon

MANILA, Philippines – Makaraan ang ilang buwang pagpapalamig, muling sumalakay ang mga kilabot na karnaper sa Makati City kung saan natangayan ng kanyang sports utility vehicle ang isang real state agent kahapon ng madaling-araw.

Iniulat ng biktimang si Juan Miguel Andal, 28, ang pagtangay ng mga salarin sa kanyang Honda CRV (ZKV-121) nang ipa­pasok na sa garahe ng kanyang bahay sa kanto ng Binay at San Antonio Sts. sa naturang lungsod.

Sa salaysay ni Andal sa Makati Anti-Carnapping Unit, dakong ala-1:40 ng madaling- araw, ipapasok na niya sa garahe ang sasakyan makaraang buksan ang gate ng compound nang huminto ang isang Toyota Fortuner at lumabas ang dalawang lalaki.

Sa kuha ng “closed cir­cuit television camera” sa tapat ng compound, isa sa dalawang lalaki ang lumapit kay Andal at  sinundan siya sa driver’s seat saka tinutukan ng baril. Tinangay ng salarin ang susi ni Andal habang sumakay naman sa passenger seat ang dalawa pang lalaki saka mabilis na pinasibad ang behi­kulo.

Nakatakdang humingi ng tulong sa mga video expert ang biktima upang makilala ang mga suspek. Inialarma naman ang pagkawala ng naturang sasakyan sa buong pulisya ng Metro Manila at karatig lalawigan.