Kandidato sa pagka-mayor nakaligtas sa ambush sa Zamboanga

Injured Killed
0 0

Date: 30 April 2013
Source: Bombo Radyo

ZAMBOANGA CITY – Pinaulanan ng bala ng ilang armadong kalalakihan ang sasakyan ng isang kandidato sa pagka-alkalde sa munisipyo ng Sominot sa lalawigan ng Zamboanga del Sur.

Sinabi ni C/Insp. Ariel Huesca, public information officer ng Police Regional Office (PRO-9) na nangyari ang pananambang bandang alas-9:00 ng gabi partikular sa may highway ng Sitio Putting Bato, Barangay Upper Sicpao.

Nakasakay sa kanyang pribadong sasakyan si Proceso Estrada Sr. isang retiradong miyembro ng Bureau of Fire Protection at tumatakbo sa pagka-alkalde ng nasabing munisipyo na nasa ilalim ng Liberal Party (LP) kasama ang ilan pa niyang mga kasamahan nang bigla silang barilin ng mga suspek .

Ayon kay Huesca, wala namang nasugatan sa nangyaring pananambang.

Narekober ng mga rumispondeng pulis sa lugar ng insidente ang apat na basyo ng bala mula sa M16 armalite rifle.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad sa mga residenteng nakatira sa lugar, nakilala ang dalawa sa mga suspek na sina Jesryl Bate at si Jaylord Jumawan at may iba pang mga kasamahan na hindi pa nakikilala.

Inaalam pa ngayon ng pulisya kung ano ang motibo sa pananambang habang patuloy ding tinutugis ang mga tumakas na suspek. (MRDS)