Injured | Killed |
---|---|
0 | 1 |
Date: 24 June 2013
Source: Bombo Radyo
ROXAS CITY – Kaagad binawian ng buhay ang isang kakandidato sanang punong barangay matapos barilin habang naglalaro ng chess sa palengke ng Pontevedra, Capiz.
Isang tama lamang ng bala sa ulo na tumagos sa noo ang ikinasawi ni Juan Baclor, 50, isang dating treasurer ng Barangay Tabuc sa nasabing bayan.
Inihayag ni S/Insp Elton Arcangeles, hepe ng Pontevedra police station, biglang nilapitan ng hindi nakilalang suspek ang biktima habang naglalaro ng chess malapit sa bilyaran ng palengke.
Ayon pa kay Arcangeles, mismong ang suspek pa ang nagmaneho ng motorsiklo na ginamit nito sa pagtakas kasama ang isang lalaking kaangkas.
Patuloy sa kasalukuyan ang imbestigasyon ng pulisya.
Isa umano sa mga tinututukang anggulo ang politika dahil sa planong pagtakbo ng biktima sa halalang pambarangay sa darating na Oktubre.