Jordanian journalist na dinukot ng ASG, narekober ng PNP at AFP sa Patikul, Sulu

Injured Killed
1 0

Date: 04 December 2013
Source: Bombo Radyo

Matapos ang 18 buwan pagkakabihag mula sa kamay ng Abu Sayyaf group (ASG) pinalaya na ang Jordanian journalist na si Baker Atyani.

 

Narekober ng pinagsanib na puwersa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) sa Patikul, Sulu si Atyani.

 

Ayon kay Col. Juriel Senabre, commander ng 2nd Marine Brigade, alas-8:30 Miyerkules ng gabi pinalaya si Atyani na sumailalim na sa medical check-up sa kampo ng 2nd Marine Brigade sa Sulu.

 

Kung maalala, dinukot ng Abu Sayyaf group (ASG) si Atyani kasama ang dalawang Filipino crew noong June 11, 2012 upang mainterbyu ang ilang personalidad ng bandidong grupo.

 

Nagpahayag naman ng kagalakan ang news agency ni Atyani na Pan-Arabic Al-Arabiya news.

 

“Concerted efforts that lasted for 18 months led to the release of Al Arabiya correspondent Baker Atyani after one year and half in captivity under militant groups in Sulu Island in the Philippine province of Mindanao,” pahayag ng Al Arabiya News Channel.  “There will be more details released later, but for now there is an overwhelming feeling of joy and relief that our colleague Baker will finally be re-joining his family and re-joining us.”

 

Matatandaang noong buwan ng Pebrero pinalaya ng Abu Sayyaf ang dalawang Filipino crew na kasamang binihag ng Jordanian journalist sa probinsiya ng Sulu.

 

Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo kay Western Mindanao Command Commander Lt. Gen. Rey Ardo, sinabi nitong pinalaya sa isang lugar sa Sulu ang dalawang Pinoy na sina Ramelito Vela, isang cameraman; at Buboy Letrero, isang audioman.

 

Napag-alaman na humihingi ng P20 million na ransom demand ang mga kidnappers kapalit ng kanilang kalayaan.