Isyu sa negosyo, sinusundang motibo sa pinatay na mag-asawang Indian nat’l

Injured Killed
0 2

Date: 29 September 2013
Source: Bombo Radyo

ILOILO CITY – May kaugnayan sa negosyo ang isa sa mga sinusundan ng mga pulis sa kanilang imbestigasyon sa pagpatay sa mag-asawang Indian national na natagpuan kaninang madaling-araw sa baybayin sa Poblacion East, Oton, Iloilo.

 

Ang dalawa ay na-identify na sina Kutwant Singh at Charnjet Kaur, may negosyo ng pautang sa 1st district ng Iloilo.

 

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Iloilo Police Provincial Office (IPPO) director S/Supt. Cornelio Salinas, isa sa mga iimbestigahan ay ang umano’y ‘turf war’ sa pagitan ng mga Indian national na nagpapautang sa Iloilo.

 

Napag-alaman na bawat isa ay may kani-kanilang area sa pautang at nagagalit umano kapag nasasapawan.

 

Ayon naman kay S/Insp. Jigger Jimeno, hepe ng Oton PNP, posibleng itinapon lamang sa baybayin ang mga biktima matapos pinatay sa ibang lugar.

 

Napag-alaman na nakagapos pa ang kamay at paa ng mga ito at parehong may sugat sa ulo habang ang babae naman ay natatakpan pa ng tape ang bibig.

 

Bago natagpuan ang bangkay, ipina-blotter sa police station na nawawala ang dalawa at huling namataan kahapon sa Oton Public Market.