Intel ng Phil. Army, patay sa Basilan ambush

Injured Killed
0 1

Date: 13 April 2013
Source: Bombo Radyo

ZAMBOANGA CITY – Patay ang isang miyembro ng Intelligence Group ng Philippine Army (PA) matapos barilin bandang alas-10:30 kanina habang nakasakay sa kanyang motorsiklo sa may Barangay Kurellem, Tipo-Tipo, Basilan.

Batay sa impormasyon mula sa Basilan police provincial office, kinilala ang namatay na sundalo na si Cpl. Nurhassad S. Imlani na naka-assign sa nasabing lalawigan.

Napag-alamang nanggaling umano ang biktima sa may Barangay Sungkayot sa munisiplyo ng Ungkaya Pukan at papunta na sana ito sa may Barangay Tipo-Tipo Proper, Tipo-Tipo, Basilan nang tambangan.

Pagdating sa lugar ng insidente ay hinarang umano ang biktima ng mahigit kumulang limang armadong kalalakihan na hinihinalang miyembro ng bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) at pinagbabaril gamit ang matataas na kalibre ng baril na kaagad nitong ikinamatay.

Sa tulong ng ilang nakasaksi sa pamamaril, dalawa sa limang mga suspek ang kinilalang sina alyas Abu Parung at ang isang Abu Madzrie na mga tauhan umano ng ASG lider na si Furuji Indama.

Patuloy ang ininasagawang hot pursuit operation ng military laban sa tumakas na mga bandido.