Injured | Killed |
---|---|
0 | 0 |
Date: 25 May 2013
Source: Pilipino Star Ngayon
MANILA, Philippines – Kulungan ang binagsakan ng isang Indian national makaraang mahuli sa akto na tinatangkang tangayin ang isang motorsiklo sa parking lot ng isang condominium building, kamakalawa ng hapon sa Pasay City.
Nahaharap ngayon sa kasong carnapping ang suspek na nakilalang si Hardhir Singh, 29, kasalukuyang nanunuluyan sa U.N. Avenue, Paco, Manila.
Sa ulat ng Pasay Police, dakong alas-4:30 ng hapon nang mapansin ni George Bayobo, head security, ang pagpasok ni Singh sa binabantayang Park Avenue Mansion. Ngunit sa halip na dumiretso sa elevator, nagtungo ang dayuhan sa parking area kaya nagduda siya at pinabantayan sa mga tauhan ang kilos nito.
Nasaksihan naman ng mga guwardiya ang pagkalikot ni Singh sa isa sa mga nakaparadang motorsiklo na ginamitan nito ng dalang “ignition switch” ngunit hindi umandar. Lumipat naman ito sa motorsiklo na pag-aari ni Jose Epie Tura, 27, security guard sa gusali, at matagumpay na napaandar ito.
Subalit palabas na ng parking area ang suspek nang harangin na siya ng mga guwardiya at arestuhin nang walang maipakitang papeles sa sinasakyang motorsiklo.