Injured | Killed |
---|---|
1 | 1 |
Date: 25 January 2013
Source: Ni Danilo Garcia (Pilipino Star Ngayon) | Updated January 22, 2013 - 12:00am
MANILA, Philippines – Ilang oras pa lamang nang maging magkumpare, nagduelo na agad ang dalawang lalaki na hindi nagkaunawaan sa kanilang inuman kung saan isa ang patay habang kritikal naman ang isa, kamakalawa ng gabi sa Parañaque City.
Patay na nang idating sa Dr. Florencio Bernabe Memorial Hospital ang biktimang si Lino Fabe, 63, karpintero sanhi ng tinamong malalim na saksak sa kaliwang dibdib.
Kritikal naman at inilipat sa Philippine General Hospital ang nakaduelo na si Alfredo Alpersula, 45, ng Tabon, Brgy. La Huerta na nagtamo ng malalim na saksak sa sikmura.
Sa imbestigasyon ng Paranaque City Police, kapwa nag-ninong sa isang binyagan ang dalawa sa anak ng isa nilang kaibigan sa Brgy. Sto. Niño. Matapos ang binyagan, isinama pa ng biktima sa kanilang bahay si Alpersula upang doon nila ituloy ang kasiyahan bilang selebrasyon na rin ng kapistahan ng Sto. Niño.
Dakong alas-6:45 ng gabi nang biglang magtalo at magsigawan na lamang umano ang dalawa at naglabas ng kanya-kanyang patalim at nagpalitan ng unday ng saksak.
Sumaklolo naman ang mga kaanak at kapitbahay at mabilis na isinugod ang dalawang lalaki sa pagamutan kung saan minalas na malagutan ng hininga si Fabe.