Injured | Killed |
---|---|
0 | 1 |
Date: 11 July 2013
Source: Pilipino Star Ngayon
MANILA, Philippines – Isa sa tatlong holdaper ang nasawi habang sugatan ang isang pasahero sa holdapang naganap sa loob ng isang pampasaherong jeepney sa Marikina City kamakalawa ng gabi.
Namatay habang ginagamot sa Amang Rodriguez Medical Center (ARMC) ang suspek na si Loudy Soriano, 28, residente ng Brgy. Tumana, Marikina City.
Patuloy namang nilalapatan ng lunas sa St. Vincent Hospital ang isa sa mga pasahero ng jeep na nakilalang si Ferrero Francisco Arce, 24, ng Armpac Compound, Banaba, San Mateo, Rizal, bunsod ng tinamong saksak sa likod.
Batay sa ulat, dakong alas-10:00 kamakalawa ng gabi nang maganap ang panghoholdap sa loob ng pampasaherong jeep sa may JP Rizal at Gonzales Sts., Marikina City.
Habang hinoholdap ng mga suspek ang mga pasahero ay nanlaban ang mga ito sanhi upang masaksak sa likod si Arce.
Dahil naman sa panlalaban ng mga pasahero ay natawag ang pansin ng mga nagpapatrulyang pulis, na kaagad rumesponde sa holdapan.
Kaagad namang nagpaputok ang mga suspek at nang gumanti ang mga awtoridad ay tinamaan si Soriano.
Nang makitang sugatan ang kasamahan ay mabilis nang tumakas ang dalawa pang suspek, habang isinugod naman sina Arce at Soriano sa pagamutan pero binawian din ng buhay ang suspek.