Holdaper itinumba sa jeep; Karnaper utas sa shootout

Injured Killed
0 2

Date: 04 December 2013
Source: Pilipino Star Ngayon

MANILA, Philippines – Pinagbabaril hanggang sa mapatay ng isang lalaking naka­-motorsiklo ang isang hinihinalang kilabot na hol­daper ng mga pampasaherong jeep, kamakalawa ng gabi sa Pasay City.

Agad na nasawi dahil sa mga tama ng bala sa ulo at mukha  si Allan Carrasco, 44, alyas Kulit, at residente ng Figuerroa St., ng naturang lungsod.  Isinugod naman sa San Juan De Dios Hospital makaraang tamaan ng ligaw na bala sa hita ang 22-anyos na si Tiffany Anne Firmoza.

Sa imbestigasyon ng Station Investigation and Detective Management Section ng Pasay police, sumakay si Carrasco sa pampasaherong jeep na minamaneho ni Ana­ceto Rellama, 37, sa kanto ng F.B. Harrison at Libertad dakong alas-10:45 ng gabi patungong Evangelista.

Hindi pa nakakalayo ang jeepney ay hinarang at pinahinto ang jeep ng isang lala­king nakasakay ng motor­siklo, na tinatayang nasa edad na 35-anyos, nakasuot ng itim na jacket at walang helmet. Lumapit ito sa biktima at agad na pinaputukan sa mukha.

Hindi pa nakuntento, sunud-sunod pang pinaputukan ng salarin si Carrasco upang matiyak na mapatay ito.  Doon tinamaan ng ligaw na bala ang pasaherong si Firmoza.

Bigo naman ang Pasay Police na masakote ang salarin sa kabila na napaka­lapit lamang ng Pasay Police headquarters sa F.B. Harrison­ Street kaya ma­tagumpay na nakatakas ito.

PSN ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch:

Ayon sa pulisya, kilala ng kanyang mga kapitbahay ang biktima na sangkot sa ilang mga ilegal na aktibidad, kabilang na ang panghoholdap.  Maaari umano na onsehan sa parte sa nakulimbat ang dahilan ng pamamaslang.

Samantala, bulagta ang isang hindi kilalang karnaper matapos itong makipag­ba­rilan sa mga pulis kahapon ng madaling-araw sa Valenzuela City.

Sa ulat na nakarating sa tanggapan ni Police Sr. Supt. Rhoderick Armamento, hepe ng Valenzuela City Police,  alas-4:00 ng madaling-araw nang makatanggap ng impormasyon ang kanyang mga tauhan  na sapilitang tinangay ng suspek ang motorsiklo ni Rhoel Inocencio na naging dahilan upang magsagawa ng ‘Oplan Sita’ ang mga ito.

Habang nasa kahabaan ng A. Fernando St., Brgy.  Marulas ng naturang lungsod ang mga pulis ay namataan ang suspek na walang helmet, na naging dahilan upang tangkaing parahin ito subalit pinaharurot nito ang dalang motorsiklo kaya ito hinabol ng mga parak at pagsapit sa R. Delfin St., imbes na huminto ay pinaputukan pa nito ang mga pulis dahilan para gumanti ang mga awtoridad at paputukan ang suspect na naging dahilan ng kanyang kamatayan.