Injured | Killed |
---|---|
0 | 0 |
Date: 11 August 2013
Source: Pilipino Star Ngayon
TUGUEGARAO CITY, Philippines- Sinibak na ni Cagayan Valley Police Regional Director Chief Supt. Rodrigo De Gracia ang hepe ng bayan ng Rizal kasunod ng nabigong ambush sa alkalde dito at iba pang kaso ng karahasan na iniuugnay sa gaganaping Barangay elections sa darating na Oktubre.
Ipinalit naman ni De Gracia sa sinibak na si Sr. Insp. Gerry Roque si Sr. Insp. Arthur Sto. Tomas.
Naganap ang bigong ambush kay Rizal Mayor Joel Ruma noong nakalipas na Agosto 5 nang paulanan ng bala ng mga armadong kalalakihan ang behikulong sinasakyan nito sa Brgy. Gaggabutan East.
Ligtas namang natakasan ng grupo ni Ruma ang pananambang. Noong Hulyo 21, napatay ang follower ni Ruma na si Chairman Edwin Gannaban sa labas ng bahay nito sa Brgy. Pasingan.
Ang mga nasangkot sa pagpatay ay ang dating Chairman sa lugar na si Gilbert Mamauag at isang ex-CAFGU na si Randy Gadduan. Si Gadduan ay napatay naman sa ambush na nangyari sa Brgy. Iluru Sur makalipas ang tatlong araw ng pagpatay kay Gannaban.
Samantalang magmula ng maganap ang insidente ay natanggap ni Cagayan Police Director Sr. Supt. Greg Lim ang ulat sa pag-iikot sa lugar ng mga armadong lalaki na nagpapaputok pa ng baril noong kapistahan dito.
Wala naman naulat na nasaktan sa nasabing insidente.