Gusali NG SWAT sumabog: 5 pulis, 3 bumbero nasugatan

Injured Killed
8 0

Date: 12 March 2013
Source: Phil Star Pang Masa

MANILA, Philippines – Nasugatan ang limang pulis ng Rizal Provincial Police Office (RPPO) na nakilalang sina P/Chief Insp. Ruben Apostol, 30, deputy chief ng Scene of the Crime Operatives (SOCO); PO3s Ferdinand Jaramilla, 31; Ferdinand Nonesa, 43; Malvin Luisito Alfante; PO2 Jose Gafel Tiburcio; tatlong volunteer firemen na sina Jaime Valencia, Elpidio Asis, 51, at Ramil dela Rosa matapos sumabog ang gusali ng Special Weapons and Tactics (SWAT) sa loob ng nasabing police headquarters sa Taytay, Rizal.

Sa inisyal na ulat, dakong alas-6:00 ng umaga unang napansin ang paglabas ng makapal na usok sa opisina ng SWAT na nasa loob ng Rizal PNP HQ sa may Hilltop, sa bayan ng Taytay.

Agad na nagtulong-tulong ang mga pulis sa pag-apula ng lumalaking apoy habang rumesponde na rin ang fire volunteer brigade nang magkaroon ng tatlong sunud-sunod na malakas na pagsabog ang pumailanlang sanhi ng pagkakasugat ng mga pulis at fire volunteers.

Nabatid na pinasok pa umano ni Apostol ang opisina ng SWAT upang iligtas ang ilang importanteng mga papeles ngunit naipit ito sa loob nang maganap ang pagsabog. Nakalabas naman ito ng opisina sa pag­siksik sa kanyang sarili sa butas ng binaklas niyang air-conditioning unit.

Anim na mga pampubliko at pribadong behikulo na nakaparada malapit sa nasunog na tanggapan ang bahagyang nasira rin sa pagsabog.

Dakong alas-6:50 ng umaga nang tuluyang maa­pula ang apoy habang uma­bot sa P1 milyon ang kabuu­ang halaga ng ari-arian na nasira.