Guro sa Sarangani, binaril-patay

Injured Killed
0 1

Date: 31 August 2013
Source: Bombo Radyo

GENERAL SANTOS CITY – Patuloy pang iniimbestigahan ng mga otoridad ang motibo ng pamamaril-patay sa isang guro sa Malapatan, Sarangani province. 
 
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Malapatan-PNP chief PO2 Alberto Pailoga, kinilala ang biktima na si Dennis Ugong, residente ng Prk. San Isidro, Lun Padidu, Malapatan, Sarangani.
 
Ang biktima ay kasalukuyang head teacher ng Tuyan Elementary School sakop pa rin ng Malapatan kasama ang dalawang lang na mga guro. 
 
Sa imbestigasyon ng pulisya, sakay ng kanyang motorsiklo ang biktima mula sa isang meeting at papauwi na sa kanilang bahay nang barilin ng hindi nakikilalang suspek.
 
Tatlo umanong mga bata na mula sa paaralan ang nakatagpo sa bangkay ng biktimang nakahandusay habang ang kabilang paa ay nakasakay pa sa motorsiklo at dumudugo na ang ulo kaya’t nagsitakbuhan ang mga ito upang ipaalam sa mga residente sa nasabing lugar.
 
Narekober sa crime scene ang tatlong basyo ng bala mula sa caliber .45 na baril.
 
Nawawala rin daw ang pitaka ng biktima na may lamang pocket money nito.
 
Sinabi ni Sarangani DepEd school Supt. Isagani de la Cruz sa Bombo Radyo na si Ugong ay bago pa lamang na nailipat sa Tuyan matapos ang siyam na taong paninilbihan bilang guro sa Upper Suyan na sakop pa rin ng Malapatan.