Guro pinatay sa gate ng school sa GenSan

Injured Killed
0 1

Date: 29 September 2013
Source: Bombo Radyo

GENERAL SANTOS CITY – Patay ang isang guro matapos binaril ng isang lalaki na nakamotorsiklo sa Nuestra Señora Dela Paz sa lungsod kaninang alas-5:00 ng hapon. 
 
Kinilala ang biktima na si Hanelyn Biñil, 31, taga Brgy. Olympog, GenSan, Grade 1 teacher ng I Solis Elementary School sa Kidam, Brgy. Olympog. 
 
Sa panayam ng Bombo Radyo sa school supervisor na si Lilibeth Lamberte, nag-attend ang mga guro ng three-day seminar sa Dadiangas South Elementary School. 
 
Nang magsiuwian na sila ay humiwalay sa kanila ang biktima at doon dumaan sa isa pang gate ng paaralan na nasa Nuestra Señora Dela Paz dahil nandoon nakaparada ang kanyang motorsiklo. 
 
Nagulat na lang sila nang ibinalita na binaril si Biñil na nagtamo ng tatlong tama ng baril na naging dahilan ng kanyang pagkamatay. 
 
Ang bangkay ng biktima ay nakitang nakabulagta malapit sa kanyang motorsiklo na isang metro ang layo mula sa gate. 
 
Kinordon ang crime scene kung saan narekober ng SOCO ang limang empty shells ng bala ng baril. 
 
Ayon sa isang testigo, tinabihan ng suspek ang biktima at saka binaril nang sumakay ng kanyang motorsiklo.