Injured | Killed |
---|---|
0 | 1 |
Date: 05 June 2013
Source: Bombo Radyo
ZAMBOANGA CITY – Patay ang isang guro matapos barilin habang nakikipag-inuman sa kanyang mga kaibigan sa isang bahay sa may Barangay Ramon Magsaysay, Sindangan, Zamboanga del Norte.
Kinilala ni C/Insp. Stephen Daang, hepe ng Sindangan municipal police station ang biktima na si Romeo Anadeo Dumasapal, 44, residente ng Sitio Gusao, Barangay Balikbalik sa munisipyo ng Leon Postigo ng naturang lalawigan.
Napag-alaman ng pulisya na bago nangyari ang pamamaril ay masayang umiinom ng alak ang biktima kasama ang kanyang mga kaibigan sa isang bahay sa lugar na pagmamay-ari ng isang Rey Demetillo.
Bigla na lamang umanong lumitaw ang isang humaharurot na motorsiklo kung saan nakasakay ang dalawang suspek at biglang binaril ang biktima.
Nagtamo ng maraming tama ng bala mula sa caliber .45 pistol sa katawan ang biktima at kaagad ding dinala sa Sindangan District Hospital subalit diniklarang dead on arrival ng mga doktor.
Patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng kapulisan para matukoy ang motibo at pagkakakilanlan ng mga tumakas na salarin. (MRDS)