Injured | Killed |
---|---|
0 | 2 |
Date: 15 February 2013
Source: Bombo Radyo
ZAMBOANGA CITY – Binawian na ng buhay habang ginagamot sa ospital ang isang guro at nagsisilbing consultant ng Department of Education Regional Office IX na pinagbabaril noong linggo sa may Barangay Dao, Pagadian City.
Ayon sa tagapagsalita ng Police Regional Office (PRO-9) na si C/Insp. Ariel Huesca, nagtamo ng grabeng tama ng bala sa ulo at katawan ang biktima na nakilalang si Alber Hussin Amad kaya binawian din siya ng buhay makalipas ang limang araw na pananatili sa ospital.
Si Hussin ay residente ng Barangay Cabatangan sa Zamboanga City at pansamantalang nakatira sa Pagadian City dahil sa kanyang trabaho.
Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya na nakatayo lamang sa tabi ng kalsada sa lugar ang biktima habang naghihintay sa kanyang kasamahang guro na babae nang bigla na lamang umanong pagbabarilin ng riding-in-tandem gunman.
Dinala na sa kanilang bahay sa Zamboanga City ang labi ng biktima.
Sa ngayon ay patuloy pa rin ang ginagawang imbestigasyon ng pulisya sa Pagadian City para matukoy ang mga responsable sa krimen. (MRDS)