GRO na ikinulong ng kinakasama sa Zamboanga City, na-rescue sa tulong ng Bombo Radyo

Injured Killed
0 0

Date: 31 August 2013
Source: Bombo Radyo

ZAMBOANGA CITY – Matagumpay na na-rescue ng kapulisan ng Zamboanga City sa pakikipagtulungan din ng Bombo Radyo ang isang babaeng nagtatrabaho bilang guest relations officer (GRO) sa isang bar may Gov. Camins ng lungsod na napaulat na ikinukulong ng kinakasama nito sa inuupahan nilang bahay.

 

Kinilala ng otoridad ang biktima na si Argelou Pimentel Libualas, 21, tubong Barangay Bugo, Cagayan De OrO City.

 

Una rito, lumapit sa istasyon ng Bombo Radyo ang mga kaanak ng biktima para humingi ng tulong.

 

Ayon sa tiyahin ng biktima na si Arlyn Pimentel, noon pang nakaraang buwan ng Hunyo nang pumunta sa Zamboanga City ang biktima at simula noon ay hindi na nila ito nakontak.

 

Nitong nakaraang araw, tumawag umano sa kanila ang biktima at humihingi ng tulong para makauwi dahil gusto na nitong ihinto ang kanyang pagtatrabaho bilang GRO pero hindi siya pinapayagan ng kanyang live-in partner at ikinukulong pa siya nito.

 

Maliban dito, puwersahan umano siyang pinapagamit ng shabu ng kanyang kinakasama at pilit pinapapasok sa Blue Diamond Pub House kung saan siya nagsisilbing GRO.

 

Matapos makuha ang lahat ng mga importanteng impormasyon para matunton ang kinaroroonan ng biktima, kaagad naglunsad ng operasyon ang mga kasapi ng Investigation Section ng Zamboanga City police office (ZCPO) sa pangunguna ng mismong hepe na si S/Insp. Arlan Delumpines.

 

Bandang alas-5:00 ng hapon nang makuha ng mga pulis ang biktima sa loob ng bar kung saan siya nagtatrabaho.

 

Nahuli rin ng mga pulis ang sinasabing live-in partner nito na kinilalang si Nasher Estepa Askalani, 35, residente ng Barangay Guiwan ng lungsod.

 

Sinabi ng tiyahin ng biktima na susunduin niya ngayon sa lungsod ang kanyang pamangkin para maiuwi sa kanilang lugar.

 

Desidido rin silang sampahan ng kaukulan kaso ang live-in partner na kanyang kapatid para mabigyan ng hustisya ang sinapit ng biktima.

 

Laking pasasalamat naman ang ipinaabot ng pamilya at mga kaanak sa Bombo Radyo at sa kapulisan ng Zamboanga City sa matagumpay na rescue operation sa biktima. (MRDS)