Injured | Killed |
---|---|
0 | 1 |
Date: 17 February 2013
Source: by Rene Manahan Feb 17, 2013 3:29pm HKT
HINDI na umabot ng buhay sa pagamutan ang isang 46 anyos na dating barangay tanod, matapos pagsasaksakin sa harapan ng kanilang bahay sa Sampaloc, Manila kahapon ng umaga.
Kinilala ang biktimang si James Criyaldo Y Reynoso, hiwalay sa asawa, dating tanod sa Brgy.418 Zone 43 at residente ng 2999- Ramon Magsaysay Boulevard sakop ng Sampaloc.
Mabilis namang tumakas ang suspek na si Jojo Doria Y Ernea, 32 anyos ; construction worker, may asawa ng nasabing lugar, bitbit ang patalim na ginamit sa pamamaslang.
Batay sa isinumiting ulat ni Det.Mario Asilo kay P/Insp. Steve Casimiro, hepe ng Manila Police District-Crime Against Persons Investigation Section, dakong 8:30 ng umaga nang maganap ang nasabing krimen sa harapan ng bahay ng biktima. Patalikod na pinagsasaksak ang biktima habang nagsasampay ng mga damit.
Isang Ronald Bacuna, 27, ang tumulong para maisugod sa Ospital ng Sampaloc si Criyaldo, subalit hindi na ito umabot ng buhay.
Sa imbestigasyong isinagawa ng pulisya, lumitaw na dati na umanong na saksak ng biktima ang suspek, pero hindi na umano ito naghain ng reklamo.
Hinalang paghihiganti ang motibo ng pamamaslang. Patuloy pang iniimbestigahan ang insidente.