Injured | Killed |
---|---|
0 | 0 |
Date: 26 May 2013
Source: Pilipino Star Ngayon
MANILA, Philippines – Dinampot ang isang dating OIC ng isang security agency makaraang matunton sa kanyang posesyon ang isang karnap na Isuzu Crosswind ng mga operatiba ng MPD-Anti-Carnapping and Hijacking Unit sa Quezon Avenue, Quezon City, kamakalawa ng gabi.
Ang suspect na si Gil Emerenciana, 49, ng Sta. Mesa, Maynila ay dinakip dakong alas-6:00 ng gabi matapos marekober sa kanya ang karnap na kulay pulang Isuzu Crosswind (XDE-377).
Nabatid na naidulog ng isang Donald Benjamin Esterban ang reklamong pagkawala ng nasabing sasakyan noong Oktubre 21, 2012 habang nakaparada sa Harbor Square, sa CCP Complex, bahagi ng Malate, Maynila.
Depensa ng suspect, hindi niya alam na karnap ang sasakyan dahil ang may-ari umano ng kanyang pinapasukang Edcor Security Agency na si Beth Galvez ang nagpakuha sa kanya ng sasakyan sa parking area sa 4th Floor ng Royal Plaza sa Remedios St., Malate. Ipinaayos niya ito at nang ayos na ay binabawi umano ni Galvez upang ibenta.
“Sabi niya ipaayos ko daw, pinaayos ko tapos kinukuha na niya dahil ibebenta raw, e ayaw naman niyang ibalik ’yung ginastos ko na mahigit pa sa P20,000 kaya kinuha ko muna yong sasakyan,” anang suspect.
Ayon sa pulisya, kailangan pa nilang kunan ng salaysay ang may-ari kung totoong inabandona na ang sasakyan at ipinaayos lamang ng biktima simula nang mapasakamay noong Oktubre ng nakalipas na taon.