Injured | Killed |
---|---|
0 | 1 |
Date: 28 April 2013
Source: Phil Star Pang Masa
MANILA, Philippines – Dahil sa pagtatalo sa pera na naipatalo sa casino ay pinagbabaril hanggang sa mapatay ng isang 48-anyos na ginang ang isang dating pulis-Pasay kahapon ng madaling-araw sa Malate, Maynila.
Ang nasawi dahil sa tinamong apat na tama ng bala ng kalibre .22 sa ulo, leeg, tagiliran at tiyan ay kinilalang si SPO1 Ernesto Chaves Mateo, 54, dating nakatalaga sa Pasay City Police na nag-avail umano ng early retirement at residente ng no. 1911 Campillo St., Malate, Maynila.
Ang suspek na kusang loob na sumuko sa MPD-Station 9 ay kinilalang si Cynthia Baybayon, 48, area supervisor ng isang carpark, tubong Masbate at naninirahan sa Lourdes St., Pasay City.
Batay sa ulat, bago naganap ang krimen dakong alas-4:00 ng madaling-araw sa loob ng bahay ng biktima ay nagtalo muna ang mga ito ukol sa pera na ipinatalo ng biktima sa casino ng Manila Pavillon sa United Nations Avenue, Ermita.
Pagdating sa bahay ay ayaw na umanong papasukin ng biktima ang suspek kaya’t siningil ng una ang utang na pera ng huli sa kanya.
Nauwi umano sa pag-aalsa ng boses ni SPO1 Mateo at kinuha ang kaniyang baril at itinutok kay Baybayon na mabilis umano ng naagaw hanggang sa magpambuno sila at pinagbabaril ang biktima.