Ex-Cafgu, pinatay umano ng NPA sa CamSur

Injured Killed
0 1

Date: 05 March 2013
Source: Bombo Radyo

NAGA CITY – Nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang mga salarin sa nangyaring pagbaril patay sa isang dating Cafgu sa Barangay Iyagan, Baao, Camarines Sur. Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PO3 Tom Contreras, sinabi nito na ang pagiging aktibong miyembro ng Barangay Intelligence Network (BIN) at pakikibahagi ng biktimang si Ernesto Babor sa pagsugpo sa iba’t-ibang uri ng kriminalidad sa kanilang lugar ang isa sa pinakamabigat na anggulong kanilang tinitingnan. Una rito, naglalakad umano si Babor patungo sa karatig-bayan ng Ocampo upang mamalengke nang biglang tinambangan ng apat na kalalakihang armado ng dalawang M16 rifle at dalawang short firearm na pinaniniwalaang mga miyembro ng New People’s Army (NPA). Nagkataon pa umanong nasa tabi ng daan ang anak ni Babor at nasaksihan ang ginawang pamamaril sa kanyang ama. Nabatid na noon pa man ay may mga natatanggap ng banta sa kanyang buhay ang biktima na maliban sa pagiging dating Cafgu, ay may anak ding sundalo. Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang pitong empty shell ng armalite at dalawang live ammunition. May naiwan pa umanong marka ng pulbura sa sombrero ni Babor, patunay na binaril ito ng mlapitan. Bagama’t may mga nakakita sa pangyayari at walang takip ang mukha ng ilan sa mga salarin, inamin ng PNP na nahihirapan silang tukuyin ang mga ito dahil wala ni isa man sa mga nakakita sa krimen ang nakakakilala sa mga ito.