Injured | Killed |
---|---|
1 | 0 |
Date: 31 March 2013
Source: Bombo Radyo
ZAMBOANGA CITY – Sugatan ang driver ng isang pampasaherong bus sa nangyaring ambush bandang alas-6:00 ng umaga sa may highway ng Barangay Manaol sa bayan ng Siocon lalawigan ng Zamboanga del Norte.
Sa panayam ng Bombo Radyo Zamboanga Kay C/Insp. Ariel Huesca, ang Public Information Officer (PIO) ng Police Regional Office (PRO-9), sinabi nito na papunta ang nasabing bus sa bayan ng Ipil sa Zamboanga Sibugay nang barilin ng ilang armadong lalaki na ikinasugat ng driver nito na kinilalang si Jimmy Bugwat, 44.
Nagtamo ng tama ng bala si Bugwat sa kanyang binti at hita at kaagad isinugod sa isang ospital sa Zamboanga Sibugay.
Walang nasugatan sa mga pasahero at kaagad ding nailipat sa ibang bus papunta sa kanilang destinasyon.
Narekober ng mga otoridad sa lugar ng insidente ang isang magazine ng caliber .45 pistol na may pitong bala at ang mga nagkalat na basyo ng bala ng parehong baril.
Sinabi ni Huesca na nagpatupad na ng heightened alert status ang kapulisan sa lalawigan ng Zamboanga del Norte, Zamboanga Sibugay at sa iba pang mga lalawigan.
Nilinaw din ng opisyal na bago pa man nangyari ang pananambang ay nakaalerto na rin ang PNP kasama ang tropa ng militar sa mga terminal at sa mga lugar na daanan ng mga pampasaherong bus dahil inaasahan na ang pagdami ng mga pasahero pauwi sa mga probinsya kaugnay pa rin ng paggunita ng Semana Santa.
Sa ngayon ay iniimbestigahan pa rin ng Siocon municipal police station ang insidente para matukoy ang pagkakakilanlan ng mga salarin at ang motibo ng pamamaril. (MRDS)