Driver hinoldap, taxi tinangay pa

Injured Killed
0 0

Date: 02 August 2013
Source: Pilipino Star Ngayon

MANILA, Philippines – Patuloy na dumarami ang mga kriminal na nambibiktima ngayon sa Global City sa Taguig makaraang isang driver ang mabiktima ng nag-iisang holdaper at tangayin pa ang minamanehong taxi, kahapon ng madaling-araw.

Walang nagawa kundi dumulog na lamang sa Taguig City Police ang biktimang si Cesar Ramos, 58, ng Block 28 Lot 16 Clarissa 5, San Jose Del Monte, Bulacan at iulat ang pagtangay ng P1,400 kinita at ang pinapasadang Maresa taxi (UVJ-689).

Inilarawan nito ang holdaper na may taas na 5’4”, 25-30 ang edad, may bigote at nakasuot ng asul na t-shirt at maong pants.

Sa kanyang salaysay, pinara siya ng salarin dakong alas-3:30 ng madaling-araw sa may Global City sa Fort Bonifacio at nagpahatid sa may McKinley.  Hindi pa nakakalayo sa nasabing lugar ay tinutukan na siya ng patalim ng suspek at sapilitang kinuha ang halagang P1,400 na kinita.

Idinagdag pa ng biktima na pinagmaneho pa siya nito hanggang Roxas Blvd., sa harap ng Cuneta Astrodome sa Pasay City kung saan siya binaba at pinaharurot ang kanyang taxi palayo.

Nabatid na ilang beses na ring nakapagtatala ang Taguig City Police ng mga insidente ng panghoholdap sa Global City lalo na tuwing madaling-araw kung saan nabibiktima ang ilang namamasyal at gumigimik sa naturang lugar.