Dahil sa problema sa lupa, magkapatid sugatan sa pamamaril

Injured Killed
2 0

Date: 12 February 2013
Source: Bombo Radyo

ZAMBOANGA CITY – Sugatan ang dalawang magkapatid makaraang barilin ng kanilang mismong pinsan sa may Barangay Licuroan sa bayan ng Midsalip lalawigan ng Zamboanga del Sur nang dahil lamang sa problema sa lupa.

Batay sa ulat na nakuha ng Bombo Radyo Zamboanga mula sa Police Regional Office (PRO-9), pauwi na sana ang magkapatid na nakilalang sina Juliben Mandao Gomanlag, 26, at ang bunsong kapatid nito na si Benben 21, nang mangyari ang pamamaril.

Bigla na lamang umanong hinarang ng magkapatid na suspek na pinsang-buo mismo ng magkapatid na biktima saka binaril gamit ang isang homemade shotgun.

Matapos ang pamamaril ay kaagad nakatakas ang magkapatid na suspek na kinilalang sina Mario at Ricky Mandao.

Naka-confine ngayon sa Midsalip Infirmary Hospital at patuloy na nilalapatan ng lunas.

Napag-alamang hindi nagkakaunawaan ang magkakamag-anak sa lupa nila sa lugar na nag-ugat sa insidente.

Pinaghahanap pa rin hanggang ngayon ng pulisya ang dalawang nakatakas na suspek. (MRDS)