‘Crisis is over?’ 1 pang sundalo patay, 6 sugatan

Injured Killed
6 1

Date: 29 September 2013
Source: Bombo Radyo

ZAMBOANGA CITY – Isang sundalo ang patay habang anim na iba pa ang sugatan sa magkahiwalay na engkuwentro matapos lamang ang pagdeklara nina Defense Secretary Voltaire Gazmin at DILG Secretary Mar Roxas na “crisis is over” sa Zamboanga City.
 
Unang nakaengkuwentro ng mga sundalong Marines ang ilang natitirang miyembro ng Misuari faction ng MNLF bandang tanghali kanina sa may bahagi pa rin ng mangrove area ng Barangay Rio Hondo at iba pang mga karatig na lugar na ikinamatay ng isang sundalo at ikinasugat ng apat pa nilang mga kasamahan.
 
Pasado alas-4:00 ng hapon naman nang mapaulat na nasugatan din ang dalawa pang sundalo sa pagsiklab ng labanan sa lugar.
 
Paliwanag naman ng militar, ang muling labanan ay parte pa rin ng clearing operations ng tropa ng pamahalaan laban sa mga natitirang rebelde.
 
Nagkataon lamang umano na naunahan ng mga rebelde ang mga tropa ng mga sundalo na nangunguna sa clearing operation.
 
Kasunod nito, binatikos ng maraming mga Zamboanguenos ang dalawang kalihim sa biglaang pagsasalita ng mga ito ng hindi man lamang umano pinag-aralan ang kasalukuyang kalagayan sa ilang lugar.
 
“Siege in Zamboanga City is over. We honor the fallen, the brave and the soldiers & policemen who died for their countrymen,” ayon kay Roxas.
 
Kasunod nito, binigyan din ng parangal ang mga government troops lalo na ang nagbuwis ng buhay para sa kaligtasan ng Zamboanga.
 
Sa kabilang nito, kabilang sa mga kinatatakutan ng mga residente at pati na rin ang mga negosyante na matapos ang mga inilabas na pahayag ng dalawang kalihim, ay baka paalisin na rin ang mga naka-deploy na mga sundalo at mga pulis dito na siyang nakikipaglaban laban sa mga rebelde.
 
Sunod-sunod ding sumiklab ang sunog sa magkakahiwalay na lugar sa loob ng mga critical areas simula kaninang umaga hanggang sa hapon.
 
Sa Day 20 ng Zamboanga siege muling nakapagtala ng apat na sunod sunod na sunog sa lungsod. 
 
Nabatid na umabot sa 18 sundalo, limang pulis at 12 sibilyan ang nasawi sa mahigit sa kalahating buwan na kaguluhan.
 
Habang nasa 166 miyembro ng MNLF ang nasawi, 247 ang naaresto at 24 ang sumuko.
 
Magugunitang umabot sa halos 120,000 residente ang nagsilikas habang nasa 10,000 bahay ang nasunog dahil sa paglusob ng mga bandido. (MRDS)