Criminology student, napatay ng pulis matapos mapagkamalang nagnakaw ng motorsiklo

Injured Killed
0 1

Date: 11 July 2013
Source: GMA News

Isang criminology student sa General Santos (GenSan) City ang binaril at napatay ng pulis matapos mapagkamalan na ito ang tumangay sa iniulat na ninakaw na motorsiklo.

Sa ulat ni Jennifer Solis ng GMA-GenSan sa Balita Pilipinas Ngayon nitong Huwebes, sinabing nakasakay sa motorsiklo ang biktimang si Randy Quirante nang habulin ng mga pulis at paputukan sa highway ng barangay Buayan.

Nagtamo ng tama ng bala sa dibdib ang biktima at namatay sa ospital.



Sa paunang imbestigasyon, sinabing isang motorsiklo ang ninakaw sa lugar at nang makita si Quirante ay hinabol ito ng apat na pulis. Hindi umano ito huminto nang sitahin kaya pinaputukan.

Pero kuwento ng isang saksi, tinabihan ng mga pulis na nakasakay sa police patrol ang biktima at nakarinig siya ng dalawang putok ng baril. Dali-dali rin umanong umalis ang mga pulis nang makita nila na hindi si Quirante ang hinahanap nilang suspek na tumangay ng motorskilo.

Lumilitaw na kamukha lang ng motorsiklo ng biktima ang nawawalang motorsiklo.

Sinabi naman ni P/Supt Rolly Octavio, Deputy Director for Administration ng GenSan police, na ipinaliwanag ng mga sangkot na pulis na tila may hinawakan umano sa gilid ang biktima na nagtulak sa kanila na magpaputok.

Inalis na muna sa kanilang puwesto ang apat na pulis habang patuloy pa ang imbestigasyon.

Hindi naman matanggap ng pamilya ang nangyari sa biktima lalo pa’t malapit na umano itong magtapos sa kursong criminology.

Desisido rin ang ina ng biktima na magsampa ng kaso laban sa mga pulis. — FRJ, GMA News