Convoy ni Sec. Mamba sa Cagayan umano’y inambush ng kampo ng gobernador

Injured Killed
0 0

Date: 13 May 2013
Source: Bombo Radyo

TUGUEGARAO CITY – Mariing pinabulaanan ni Cagayan Governor Alvaro Antonio ang pahayag ni Presidential Legislative Liason Sec. Manny Mamba na tinambangan ang kanilang convoy kaninang hapon sa bayan ng Alcala, Cagayan

Binigyan diin ni Antonio na ang pahayag ni Mamba ay isang panlilinlang lamang upang makuha ang simpatya ng mga Cagayanos at mabigyang katwiran ang kanilang pagkatalo sa halalan ngayon.

Inamin ni Antonio na may nangyaring pagpapaputok ng baril subalit mismong ang mga tauhan umano ni Mamba ang nagpaputok ng baril.

Ayon sa gobernador, nagpapahinga siya sa kanilang bahay nang makarinig siya ng mga putok ng baril kaya lumabas siya at nagtanong sa mga nagkagulong mga tao sa isang polling precinct na malapit sa highway at sinabi sa kanya na nagpaputok ang mga sakay ng convoy ni Mamba
Sa panayam naman ng Bombo Radyo kay Secretary Mamba, iginit nito na nakita nila mismo si Antonio sa harap ng munisipyo na may hawak na AK47 na baril at pinagbabaril ang kanilang convoy.

Binigyan diin ni Mamba na ang ika-apat na sasakyan nila ang tinamaan ng baril kung saan nagkaroon ng sira sa raditator nito.

Ayon kay Mamba, agad siyang tumawag kay PNP Region 2 Director Rodrigo de Gracia upang iparating ang nasabing pangyayari at pinayuhan naman siya ni De Gracia na dumiretso sa kalapit na bayan ng Gattaran at doon magpa-blotter.

Nabatid na iniwan ang sasakyan na may tama ng baril sa Gattaran at nagsasagawa na rin ng imbestigasyon dito ang Scene of the Crime Operatives.

Ang kapatid ni Mamba na si Tuao Mayor William Mamba ay katunggali ni Antonio sa pagka-gobernador sa lalawigan ng Cagayan.