Clearing ops patuloy vs BIFF; 10 ang patay sa sagupaan sa North Cotabato – AFP

Injured Killed
2 10

Date: 30 September 2013
Source: Bombo Radyo

(Update) KIDAPAWAN CITY – Nagpapatuloy pa rin ang manaka-nakang putukan sa pagitan ng militar at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa lalawigan ng North Cotabato.
 
Nilinaw ni 6th Infantry (Kampilan) Division spokesman Colonel Dickson Hermoso, na tatlong mga sundalo ang nasawi at dalawa ang nasugatan sa nangyaring engkwentro simula kahapon ng madaling araw.
 
Sa panig ng BIFF ay pito ang pinaniniwalang nasawi at marami ang sugatan.
 
Ngayong umaga ay magpapatuloy ang clearing operation ng militar at pulisya sa Brgy Rangaban 3, Malingao, Tugal at Brgy Polongoguen sa bayan ng Midsayap na pinasok ng BIFF sa pangunguna ng isang Kumander Karialan. 
 
Una rito, napalaya na dakong alas-6:45 kagabi ang ilang mga sibilyan, guro at mga estudyante na na-trap o ginawang human shield ng BIFF mula sa Brgy Malingao, Midsayap.
 
Ayon kay Col. Hermoso, naging daan sa paglaya ng mga sibilyan ay ang pagsisikap din ng mga lokal opisyal sa ginawang negosasyon sa mga rebelde.
 
Kuwento ng  mga biktima, ang ilan sa kanila ay naipit sa bakbakan at ang iba ay ginawang hostage ng BIFF.
 
Bago ito, inamin ng spokesman ng BIFF na si Abu Misry Mama na sila ang nasa likod ng panibagong karahasan.
 
Giit pa ni Misry, wala raw kinalaman ang kanilang hakbang sa MNLF forces sa Zamboanga.
 
Samantala, sinisikap naman ngayon ni Midsayap Mayor Romeo Araňa at North Cotabato Governor Emmylou “Lala” Taliňo Mendoza na matulungan ang mga sibilyan na nagsilikas dulot ng naturang karahasan. (Bombo Garry Fuerzas)