Injured | Killed |
---|---|
0 | 0 |
Date: 25 January 2013
Source: Bombo radyo; Friday, 25 January 2013 14:03
ZAMBOANGA CITY – Pinaulanan ng bala ng baril ng hindi nakilalang armadong lalaki ang cellsite ng Smart communication kagabi sa may Sitio Marangan, Barangay Muti east coast ng Zamboanga City.
Sa report ng pulisya, bandang alas-6:50 kagabi nang bigla na lamang lumitaw sa lugar ang ilang armadong kalalakihan at saka binaril ang cellsite sa hindi malamang dahilan.
Kaagad namang rumisponde sa lugar ng insidente ang tropa ng 14th Division Reconnaissance Company (RDC) ng Philippine Army at ang mga miyembro ng PNP subalit hindi rin naabutan ang mga nakatakas na suspek.
Walang nasugatan sa nasabing insidente maliban na lamang sa bahagyang pinsala sa ilang bahagi ng tower na tinamaan ng mga bala ng baril.
Hindi rin naapektuhan ng serbisyo na ibinibigay ng Smart communication sa maraming mga residente ng Zamboanga City at sa iba pang mga karatig na lugar ang pangyayari.
Patuloy pang iniimbestigahan ng mga otoridad kung ano ang posibleng motibo ng pamamaril sa naturang cell site.
Nito lamang nakaraang linggo, pinasabugan rin ng improvised explosive device (IED) ang cellsite ng Globe Telecom sa bayan ng Siocon sa lalawigan ng Zamboanga del Norte kung saan isang security guard doon ang nasugatan.
Inaalam ngayon ng mga otoridad kung may kinalaman nga ba sa anggulo ng extortion ang magkasunod na insidente. (MRDS)