Call center agent tinodas sa sariling sasakyan

Injured Killed
0 1

Date: 20 October 2013
Source: Remate Oct 20, 2013 3:27pm

MASUSING iniimbestigahan ng mga tauhan ng Taguig City police ang motibo sa pamamaslang sa 42-anyos na call center agent nang matagpuan na lamang na wala ng buhay sa loob ng kanyang minamanehong sports utility vehicle (SUV) kaninang madaling-araw sa Taguig City.

Kinilala ni Taguig police officer-in-charge Supt. Annie Bodanio ang biktimang si Leo Akut, Jr. ng No. 5 Catleya St., Midtownville, Cainta Rizal na nagtamo ng mga tama ng bala sa ulo nang matagpuang nakasubsob sa minamanehong Toyota Revo.

Sa imbestigasyon, alas-3:30 ng madaling-araw nang madiskubre ang bangkay ng biktima makaraang magtungo sa  tanggapan ni Usnael Sarip, hepe ng Barangay Security Force, sa Maharlika Village ang dalawang babaing sakay ng motorsiklo at inireport ang nakaparadang SUV na may nakasubsob na bangkay ng lalaki sa Marawi Avenue.

Agad na humingi ng tulong ang mga barangay official kay SPO4 Andrew Abrogar, ng Police Community Precinct (PCP) 4, upang puntahan ang nasabing lugar at inabutan pa nila na umaandar ang sasakyan ng biktima habang nakasubsob ito sa manibela.

Hinala naman ng pulisya na kasama sa loob ng sasakyan ang bumaril sa biktima dahil na rin sa walang tama ng bala sa windshield na may palatandaang galing sa loob ng sasakyan ang nagpaputok.

http://www.remate.ph/2013/10/call-center-agent-tinodas-sa-sariling-sasakyan/#.UmS4VBBKMgG