Brgy. kagawad, patay sa pamamaril sa Bukidnon

Injured Killed
0 1

Date: 23 January 2013
Source: Bombo Radyo Philippines

CAGAYAN DE ORO CITY – Patay ang isang barangay kagawad matapos barilin ng motorcycle-in-tandem suspects sa Barangay Poblacion, Valencia City, Bukidnon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cagayan de Oro kay Valencia City Mayor Leandro Catarata, kinilala ang biktima na si Gino Antonio Zambrano, 27, residente sa nasabing lungsod.

Sinabi ni Catarata na galing sa barangay hall ang biktima at nang pag-alis nito ay palihim na sinundan ng mga suspek at nang makatiyempo ay binaril ito ng malapitan gamit ang 9mm pistol.

Nagtamo ang biktima ng limang tama ng bala kung saan tatlo rito ay sa kanyang likod, isa sa ulo at isa sa leeg.

Minadali pa itong isugod sa pinakamalapit na pagamutan subalit idineklara ring dead on arrival ng mga doktor.

Dagdag ni Catarata, nakakapanghinayang ang biglang pagkawala ni Zambrano sapagkat ubod ito ng kabaitan at nakapa-aktibong miyembro ng konseho ng kanilang barangay.

Pinakikilos na nito ang pulisya at maging ang mga sibilyan at tumulong na rin para sa agarang ikadadakip ng mga salarin.