Brgy. kagawad, nanutok ng baril at nanakal pa

Injured Killed
0 0

Date: 31 March 2013
Source: Bombo Radyo

DAGUPAN CITY – Nahaharap ngayon sa patung-patong na kaso ang isang barangay kagawad matapos nitong tutukan ng baril ang kanyang punong kapitan at pananampal pa sa 14-anyos na bata sa bayan ng San Fabian.

Ayon kay Punong Barangay Recto Orjeda ng Barangay Nibaliw Narvarte, tinutukan siya ng barangay kagawad nito na si Rey Silac matapos niya itong komprontahin sa hindi pagsipot sa ipinatawag nitong pag-uusap dahil sa pananampal ni Silac sa bata.

Naganap aniya ang insidente makaraang matalo ang grupo ni Silac sa kanilang barangay basketball tournament.

Dahil sa insidente ay inireklamo ng magulang ng bata ang ginawa ng kagawad sa kanilang anak kaya’t ipinatawag din niya ito sa kaniyang chief tanod ngunit hindi ito dumating.

Dahil dito napilitan umano si Narvarte na puntahan si Silac na nakikipag-inuman pa nang madatnan malapit sa kanilang Day Care Center.

Ngunit nang kanyang komrontahin ang kagawad at tinutukan umano ito ng baril kasama ang pinsan nito na parehong may hawak na kalibre .45 ay wala na itong nagawa.

Sa ngayon ay pinayuhan na siya ng kanyang abogado na sampahan ang suspek ng direct assault, paglabag sa election gun ban at child abuse dahil sa pananakal nito sa bata.