Brgy. chairman sa Calbayog City, patay sa ambush; anak, sugatan

Injured Killed
1 1

Date: 01 May 2013
Source: Bombo Radyo

TACLOBAN CITY – Patay ang isang barangay chairman at sugatan naman ang anak nito matapos na paulanan ng bala ng limang suspek na nakasakay sa dalawang motorsiklo sa Purok 1, Brgy. Matobato, Calbayog City sa lalawigan ng Samar.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Tacloban, kinilala ang namatay na si Brgy. Chairman Amado Lauyon, 49, residente ng Brgy. Bagong Lipunan kung saan nagtamo ito ng mga tama ng bala sa iba’t ibang parte ng katawan.

Samantala sugatan naman ang anak nito na si Rendo Lauyon, 24, na nadaplisan ng dalawang tama bala.

Ayon kay PO2 Pedro Sumbisi Jr, investigator sa nasabing kaso, nakamotorsiklo ang mag-ama galing sa Brgy. Trinidad at bigla silang binaril ng mga suspek.

Nahuli ang dalawa na sina Reynaldo de Alagdon alyas Bulon, residente ng Brgy. Hibatang, Calbayog City at Eddie Fermino alyas Bulondoy, residente ng Brgy. Bagong Lipunan.

Patuloy naman ang manhunt operation ng mga otoridad sa tatlo pang suspek na nakatakas.

Samantala, inamin naman ng nakaligtas na biktima na personal grudge ang motibo sa insidente.