Injured | Killed |
---|---|
1 | 0 |
Date: 27 October 2013
Source: Bombo Radyo
(Update) La Union – Sasampahan ng kaso sa piskalya ang punong barangay na nakipagbarilan sa umano’y tauhan ng alkalde sa Barangay Casilagan sa bayan ng Naguilian, La Union.
Ayon kay S/Supt. Ramon Rafael, provincial director ng La Union Police Provincial Office (LUPPO), nakadepende sa pagpapasya ng piskalya kung frustrated homicide o frustrated murder ang kasong kakaharapin ni Casilagan Barangay Chairman Ricardo Aromin.
Samantala, patuloy naman na pinag-aaralan ng pulisya ang maaaring ihain din na kaso laban kay Rommel dela Cruz, residente ng Barangay Natividad sa nabangit na bayan na sinasabing taga-suporta ni Naguilian Mayor Reynaldo Flores.
Kailangan munang ma-validate aniya, kung ang cal. 45 baril na narekober sa pinangyarihan ng engkwentro ang pag-aari o galing kay Dela Cruz.
Tinutuklas din ng pulisya kung may kaugnayan sa pulitika ang nangyaring barilan sa pagitan ng tatlong kalalakihan at kapitan sa harapan ng bahay nito.
Dahil sa naturang insidente, nagdagdag pa ng karagdagang tauhan ang LUPPO sa bayan upang mabantayan ang sitwasyon ng halalang pambarangay doon.
Sa kabilang dako, personal na tinungo naman ng Bombo Radyo News team ang tahanan ni Mayor Flores upang makuha ang kanyang panig ngunit nabatid mula sa katiwala nito na lumuwas ito ng bayan.