Bomb scare laganap na

Injured Killed
0 0

Date: 09 August 2013
Source: Pilipino Star Ngayon

MANILA, Philippines – Binabalot ngayon ng bomb scare ang mga pangunahing lungsod sa bansa matapos ang sunud-sunod na mga pambobomba sa rehiyon ng Mindanao na kumitil ng buhay ng 16 katao habang 78 pa ang nasugatan.

Dahil dito, nanawagan kahapon si Defense Secretary Voltaire Gazmin ng pambansang pagkakaisa sa lahat ng mamamayan upang masupil ang anumang banta ng terorismo.

“Sa ating mga kababayan, kinakailangang magsama-sama tayo at magtulungan upang sa ganun ay maiwasan o mailayo natin ang banta ng terorismo sa ating kapaligiran,” ani Gazmin.

Ayon sa report, ma­tapos ang nangya­ring pambobomba sa Cagayan de Oro City noong Hulyo 26 ng gabi at Cotabato City noong Agosto 5 ay matindi ang pangamba ng libu-libong mga residente ng iba pang lungsod sa posibleng spillover ng bombing sa kanilang mga lugar.

Una nang tinukoy sa intelligence report na bukod sa Cagayan de Oro City ay target rin ang Cotabato City, General Santos City, Davao City, Zamboanga City, Pagadian City at Tacurong City.

Sinabi ni Gazmin na napakahalaga ng partisipasyon ng mamamayan para mapigilan ang pag-atake ng mga teroristang grupo.

PSN ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch:

Kasalukuyan ng pi­nag-aaralan ng National Security Council kung bakit nagkakaroon ng mga pambobomba at ano ang dahilan.

Kabilang sa anggulong tinitingnan ang terorismo, pulitika o personal, bombers for hire, bombs for sale bagaman nilinaw na wala pang konklusibong report dito dahil patuloy pa ang imbestigasyon.

Samantala, 500 pulis ang ipinakalat ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa Metro Manila kasunod na rin ng pangamba na sunod na target ng pambobomba ang ­Metro Manila.