Bodyguard ng politiko, binaril patay sa CDO

Injured Killed
0 1

Date: 10 June 2013
Source: Bombo Radyo

CAGAYAN DE ORO CITY – Dead on the spot ang umano’y bodyguard ng politiko nang barilin ng dalawang hindi nakilalang lalaki na nakasakay ng XRM motorcycle sa Brgy Macasandig sa syudad ng Cagayan de Oro.
 
Kinilala ang biktima na si Maximo Julio Rata na residente sa nasabing lugar.
 
Sa panayam ng Bombo Radyo Cagayan de Oro, inihayag ng nakasaksi na si Joel Dahan na nagtutulak umano ang biktima ng kanyang motorsiklo matapos na ma-flat tire nang binaril ng makailang beses dahilan upang magtamo ito ng maraming tama sa katawan.
 
Ayon naman kay Dr. Christian Caballes na siyang medico legal ng Scene of the Crime Operatives (SOCO), nagtamo ng tatlong tama sa ulo, tatlo sa kamay at dalawa sa katawan ang biktima na agaran nitong ikinamatay.
 
Sinabi ni Caballes na narekober sa pag-iingat ng biktima ang .45 caliber pistol na mayroong siyam na live ammunitions at siyam na empty shells mula sa .45 caliber pistol na maaaring ginamit ng mga suspek sa krimen.
 
Sinabi rin sa Bombo Radyo ni S/Insp Joel Nacua ng Macasandig Police Station na wala pa silang ideya kung ano ang motibo at kung sino ang nasa likod sa pagpatay sa biktima.
 
Patuloy pa aniya nilang iniimbistigahan ang nasabing pangyayari.
 
Sinasabing bodyguard umano ang biktima ng isang malaking politiko na nakabase sa Misamis Oriental.