Injured | Killed |
---|---|
0 | 1 |
Date: 03 February 2013
Source: Pilipino Star Ngayon
MANILA, Philippines -Dahilan umano sa pagbubukas muli ng kanyang puso kahit hindi pa nagbababang-luksa nang umibig at makipag-relasyon sa ibang lalaki, binaril at napatay ng isang 42-anyos na mister ang biyuda nitong hipag sa Brgy. Tisa, Cebu City kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang nasawing ginang na si Vivian Moran Loreto, 33-anyos, dead-on-the-spot sa insidente sa tinamong mga tama ng bala sa katawan.
Arestado naman ng mga nagrespondeng operatiba ng pulisya ang suspek na si Benito Loreto alyas Tatay Boyi.
Si Vivian ay biyuda ng namayapang kapatid ni Benito na namatay sa sakit sa baga noong Nobyembre ng nakalipas na taon.
Sa ulat ng tanggapan ni Cebu City Police Director P/Sr. Supt. Mariano Natuel, bandang alas-6 ng gabi kasalukuyang nakikipag-inuman ang suspek kina Celirena Palagdag at Jay Culiamat nang dumating ang biktima galing sa maghapong paglalako ng mga halamang gamot na siya nitong pinagkakakitaan para buhayin ang kanyang mga anak.
Agad umanong sinita ng suspek ang biyudang hipag na pinagmumura ito dahilan ginagabi umano sa pakikipag-date sa kanyang bagong boyfriend gayong ilang buwan pa lamang namamatay ang kanyang kapatid at hindi pa nagbababang luksa.
Sinabi ng suspek na napapabayaan na umano ng ginang ang mga anak nito dahil sa panlalalaki.
Nagkaroon ng mainitang pagtatalo sa pagitan ng dalawa hanggang sa bumunot ng baril ang suspek at pagbabarilin ang ginang. Nahaharap ngayon sa kasong homicide ang suspek.