Injured | Killed |
---|---|
0 | 1 |
Date: 08 May 2013
Source: Pilipino Star Ngayon
MANILA, Philippines – Isang hindi pa nakikilalang babae ang natagpuang tadtad ng tama ng bala ng baril sa katawan sa loob ng isang abandonadong bahay sa lungsod Quezon kahapon ng madaling-araw.
Ang biktima ay isinalarawan sa pagitan ng edad na 25-30, katamtaman ang pangangatawan, nakasuot ng stripe na sleeveless na t-shirt, at itim na short pants.
Ayon sa pulisya, ang biktima ay nadiskubre sa loob ng isang bahay sa 3-A Maguindanao St., Salaam Morque Compound, Brgy. Culiat, ganap na alas-12 ng hatinggabi.
Sinasabing nakatanggap na lamang umano ng impormasyon ang Police Community Precinct ng Brgy. Culiat mula sa isang residente hinggil sa nakitang babae na walang buhay na nakahandusay sa nasabing lugar.
Agad na nirespondehan ng pulisya ang lugar kung saan naabutan ng mga ito ang naturang biktima sa kalunus-lunos na kalagayan.
Narekober sa lugar ang limang basyo ng bala at dalawang fired bullets ng kalibre 45 baril at mga piraso ng mga plastic ng shabu at paraphernalia sa lugar na pinangyarihan ng krimen.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya sa nasabing insidente.