Bata patay sa sariling ina

Injured Killed
0 1

Date: 16 February 2013
Source: Bombo radyo Saturday, 16 February 2013 12:38

ZAMBOANG CITY – Isang tatlong taong gulang lamang na batang lalaki ang napatay ng kanyang sariling ina sa bayan ng Tukuran sa lalawigan ng Zamboanga del Sur.

Sa panayam ng Bombo Radyo Zamboanga kay S/Supt. Thomas Abellar, ang provincial director ng Zamboanga del Sur PNP, sinabi nito na una nang nagsinungaling ang suspek na kinilalang si Claire Rose Ann Serenio, 27, nang sabihin nito sa mga otoridad na namatay ang kanyang anak dahil sa isang aksidente sa daan kung saan nabangga umano ito ng isang bus na naging sanhi ng kanyang kamatayan.

Napag-alaman na matagal ng hiwalay ang suspek at ang kanyang mister na si Geronimo Serenio, 35, na siyang nag-aaruga sa dalawa nilang anak.

Noong nakaraang araw, pinuntahan umano ng suspek ang tinitirhan ng kanyang mister at nakiusap na kunin muna niya ang dalawang bata.

Kaagad namang pumayag ang ama ng mga bata sa pag-aakalang maganda ang intensyon ng kanyang misis na makasama nito ang kanilang dalawang anak.

Dito na umano dinanas ng biktima ang ilang araw na pagmamalupit ng kanyang ina.

Ilang araw matapos ang insidente, mismo ang limang taong gulang na kapatid ng biktima ang nagsumbong sa kanyang ama na halos araw-araw umanong pinapalo ng kanilang ina ang kanyang bunsong kapatid.

Base sa pahayag ng kapatid ng biktima, maliban sa pinapalo ng kanilang ina gamit ang isang matigas na kahoy ang kanyang kapatid, pinaluluhod nito sa asin ang bata, sinisilid sa sako at binibitay saka nilalagyan ng apoy sa baba.

Dito na nagkaroon ng hinala ang ama ng biktima na posibleng mismong ang kanyang misis ang pumatay sa kanilang anak kaya kanya itong ini-report sa pulisya ang pangyayari.

Sinabi ni Abellar na inaalam niya ang record ng lahat ng mga istasyon ng pulisya sa lalawigan ng Zamboanga del Sur kung mayroong nangyaring aksidente na nabangga ang isang bata ng bus subalit lumabas umano na negatibo ang ganitong pangyayari.

Sa inilabas na larawan ng bangkay ng biktima, makikita ang mga sugat at mga bugbog sa iba’t ibang parte ng katawan nito.

Naniniwala si Abellar na nasa matinong pag-iisip ang suspek habang ginagawa nito ang krimen na naging dahilan ng kamatayan ng kanyang anak dahil nagawa pa nitong magsinungaling para maitago ang katotohanan.

Dahil dito, mismo si Abellar ang nagrekomenda na sampahan ng kasong murder ang suspek dahil malaki umano ang nakikita niyang pruweba na sinadya nito na mapatay ang kanyang sariling anak.

Sa ngayon ay hinhintay na lamang umano nila na mailabas ang resulta ng autopsy ng biktima para masampahan na ng kasong murder ang ina ng bata na ngayon ay nanatiling malaya. (MRDS)