Injured | Killed |
---|---|
0 | 3 |
Date: 09 June 2013
Source: Phil Star Pang Masa
MANILA, Philippines – Nasawi sa naganap na barilan sa Baseco Compound, Port Area, Maynila ang tatlong katao kabilang ang isang barangay tanod nang lumusob ang mga tauhan ng Manila Police District (MPD) para magsagawa ng anti-criminality campaign sa lugar kamakalawa ng hapon.
Namatay noon din ang isang hindi pa nakilalang suspek na inilarawan sa edad na 25 hanggang 30, may taas na 5’4”, may tribal tatoo sa katawan; habang namatay din ang isang alyas Rex, 35, nang mang-agaw ng baril sa escort na pulis habang patungo sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center.
Batay sa impormasyon na si Rex ay suspek sa pamamaslang sa dating miyembro ng MPD-station 5, na si PO1 Edcel Ayon noong Enero 31, 2012 sa Block 1, Aplaya, Barangay 649. Namatay naman sa ospital ang barangay tanod na si Jody Roncales na nabaril ng mga suspek .
Sa ulat, dakong alas-5:00 ng hapon nang magsagawa ng anti-criminality campaign sina Insp. Melchor Villar, kasama ang ilang mga tauhan niya at mga barangay tanod sa Block 9 Extension, Baseco, Port Area, Maynila nang salubungin ng putok ng mga suspek at nabaril si Roncales kaya’t gumanti ng putok ang mga pulis at tinamaan ang dalawang suspek.