Barangay kapitan, pinatay sa Isabela

Injured Killed
0 1

Date: 30 September 2013
Source: Bombo Radyo

CAUAYAN CITY, Isabela – Dead on the spot si Barangay Kapitan Rosendo Segismundo ng Anonang San Guillermo, Isabela matapos barilin ng maraming beses ng dalawang suspek sa tapat ng elementary school sa Calaccab, Angadanan, Isabela sa pagitan ng alas-3:00 hanggang alas-4:00 kaninang madaling araw. 
 
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay S/Insp Gerry Valdez, hepe ng pulisya sa San Guillermo, Isabela, sinabi niya na si Segismundo kasama ang kanyang hipag sakay ng tricycle ay patungo sa Alicia, Isabela para maghatid ng mga saging nang siya ay paputukan ng dalawang hindi nakilalang mga suspek.
 
Tumigil ang kapitan sa tapat ng Calaccab Elementary School para punasan ang harapan ng kanyang traicycle dahil lumabo dulot ng hamog.
 
Pero nang pasakay na siya sa kanyang tricycle ay tinabihan siya ng isa sa mga suspek na nakabonete at nakasuot ng camouflage na short pants at bigla siyang pinaputukan ng maraming beses. 
 
Tumakas ang mga salarin sakay ng Wave motorcycle.
 
Ang tama ng mga bala sa katawan at ulo ang naging sanhi ng agarang kamatayan ni  Segismundo.
 
Ayon kay S/Insp. Valdez, limang empty shells ng 9mm pistol ang natagpuan nila sa pinangyarihan ng krimen.
 
Hiniling na ng PNP San Guillermo ang tulong ng pulisya sa Angadanan at Echague, Isabela para magsagawa sila ng dragnet operation upang maaresto ang mga suspek.